Basahin ang Growing in Courage: Stories for Young Readers ni Pamela Pollack, libreng babasahin na pinamamahagi ng Thomas Jefferson Information Center (TJIC) ng United States Embassy sa Roxas Boulevard, Maynila sa pangunguna ng kanilang Direktora na si Bb. Reyza Alenzuela.
Nakasentro kila Jolly, Jilly at Jeremy ang kuwento ng Make Lemonade (tatlong kabanata lang ang nakasama) ni Virginia Euwer Wolff. Sa kuwentong ito, mararamdaman ang instinkt at pagpupunyagi ng isang labingpitong gulang na ina (Jolly) na maibalik ang buhay ng kanyang sanggol (Jilly) habang saksi ang isa pang anak (Jeremy) na wala pang tatlong taong gulang. Halimbawa, kagimbal-gimbal sa isang ama tulad ng manunulat ang ilang segundong pangingitim ng kanyang anak na si Bituin na tila dala’y kaandapan o higit pa dito sa buong kabahayan. Nagsimula ito sa matinding pagkaipit ng bata na lubhang nagpaiyak at nagpawala ng boses sa kanya hanggang ibagsak ang ulo upang panlawan ng ulirat at ipagkatuliro ng mga magulang. Katulad ng kanyang ina, si Jeremy ay isa ring bayani bagamat matagal-tagal pa upang ito’y kanyang maiintindihan. Mauunawaan sa kuwento ang kainaman ng kaalaman sa tamang pagbibigay ng CPR o cardiopulmonary resuscitation.
Napakabata pa ni Nhamo upang sapitin ang dusa ng pag-iisa sa isang isla at makipagtuos ng pisikal sa isang hayop o gorilya, bilang halimbawa. Lubha itong kasindak-sindak sa imahinasyon ninuman. Mababasa ito sa dalawang kabanata lamang ng A Girl Named Disaster ni Nancy Farmer. Tanging di-tunay o isang pekeng larawan ng kanyang ina na lamang ang pinahahalagahan ni Nhamo. Ito ay naging abo bandang huli na siyang dahilan upang ikabagsak ng kanyang katawan at ikalupaypay ng kanyang pagpupunyagi. Kahiwagahan ang nagpanumbalik sa kanyang diwa, nagbigay lakas upang harapin ang bawat araw at matuklasang wala na ang panganib.
Malalim at may pinaghuhugutan sa nakaraan ang manunulat na si Graham Salisbury sa kanyang Under the Blood-Red Sun. Gusto ko lang naman malaman kung buhay pa si Papa… Kailangan ko lang malaman, Mama. Pinapangako ko, di ko na uulitin. Pinuntahan ni Tomi, isang Jap frogman, ang Sand Island upang tangkaing iligtas ang kanyang ama mula sa pagkakulong at posibleng kamatayan nito. Sa mura niyang katawan at angking kalakasang natural sa pagpupunyagi, nalangoy niya ang dagat ng palihim upang di mapansin ng mga guwardiya ang kanyang pagpasok dito. Tutol ang kanyang grandpa sapagkat ayon dito siya ay maaring mabaril at mamatay ng walang kalaban-laban. Mula sa kanyang lolo: They will shoot you! Ito ang madalas niyang maulinigan mula sa kanyang sarili sa bawat segundo ng kanyang pagtatangka sa maruming likido ng pakikipagsapalaran. Nakita ni Tomi ang kanyang ama at inuulat ng kuwento na sa banding huli ang kanyang ama ay inaresto, nabaril at wala ng buhay.
Kinakailangan pang makulong upang matagpuan ni Jack Santos ang sarili sa kanyang sulating Hole in My Life. Sa kulungan niya natuklasan ang kagalingan at kayamanan mayroon siya sa pagsusulat habang kitang-kita ang pagpupunyagi naman ni Shabanu na mailigtas ang mag-inang kamelyo mula sa mga mandaragit at buwitre ng disyerto sa Shabanu, Daughter of the Wind ni Suzanne Fisher Staples. Katumbas ng mga kamelyo ay kinabukasang hatid sa kanyang sarili at kapatid na si Phulan samantalang sa gitna ng mga pahina ng librong sinulat ni Dostoyevsky, The Brothers Karamazov (may kulay bughaw na tatak ng kulungan), ay naghihintay ang dalawang posibilidad: mabalam ang ninanais ni Jack o magtagumpay at tuluyan ng makapagtapos sa labas ng dilaw na piitan.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment