Thursday, March 12, 2009

Ikasiyam na Bahagi ng Ikalawang Serye (II: 9, 2009 Setyembre)

Basahin ang Growing in Courage: Stories for Young Readers ni Pamela Pollack, libreng babasahin na pinamamahagi ng Thomas Jefferson Information Center (TJIC) ng United States Embassy sa Roxas Boulevard, Maynila sa pangunguna ng kanilang Direktora na si Bb. Reyza Alenzuela.

Isang kakatwang pangyayari sa buhay ng isang negrong bata ang hango mula sa Bud, Not Buddy ni Christopher Paul Curtis. Isang ulila ang sampung-taong bata na si Bud at ang kanyang nais lamang ay tahakin at makarating sa Grand Rapids upang subukang hanapin ang kanyang sikat na ama – Herman E. Calloway. Nakakaaliw ang mga tagpo lalo na ng makaharap ni Bud-not-Buddy si Mr. Lewis na sa sapantaha ng bata ay isang bampira. Ang payak na pagkukuwento ng Kabanata 10 ay maaaring isang paraan upang labanan ang kalumbayang dala ng Great Depression sa Amerika noong 1936 sa pamamagitan ng literatura sangkap ang mga bata.

Kinakailangang maging matalas sa pag-iisip o clever si Eldora ng Letters from the Corrugated Castle ni Joan W. Blos sa pag-aaruga kay Lucia, tulad niya sa nakaraan, batang nakakaramdam ng pagkaabandona ng kanyang ina – pagkabalikuko ng mga buhay. Nagawa niya ito ng mahusay at ikinukuwento ito ni Eldora sa kanyang pinsan na si Sallie sa pagsusulatan. Ikatutuwa at kakaiba ang mararamdaman ng mga mambabasa sa Eldora’s Story na isinalaysay mismo ng pangunahing tauhan. Mainam na ulit-uliting basahin bago ilagak ang atensiyon sa pangalawang sulat kay Sallie at ihanda ang sarili bilang saksi sa unti-unting paghilom ng sugat ng isang munting bata pagkatapos ng sampung taon.

Mabigat basahin ang mga kabanata 25 at 26 ng Code Talker: A Novel About the Navajo Marines of World War II ni Joseph Bruchac at di mailalarawan sa kasimplehan ng mga salita ang mga hirap na dinanas ng hukbong pangdagat dulot ng pandaigdigang digmaan lalo na kung mga bata ang mga tagapakinig. Maihahalintulad ito sa ilang bahagi ng nobela ni Mitch Albom ang The Five People You Meet in Heaven na kung saan inilahad dito sa tulong ng pangunahing persona na si Eddie ang dehumanization ng mga tauhan. Ayon sa mga Navajo: War injures the spirit at pinatunayan ito ng dalawang nobelang nabanggit. Sa isang banda, naging isang karangalan para kay Ned at sa iba pang kasama sa grupo na ang wikang Navajo ng kanilang tribo ang nagsilbing bibig at salita upang maisakatuparan, maisalba at magwagi ang hukbong sumalakay laban sa mga hapones sa Iwo Jima, paakyat ng Suribachi.

Wala namang pagpipilian ang labingtatlong-taong gulang na protagonista sa Catherine, Called Birdy ni Karen Cushman kung hindi magpakasal kay Lord Murgaw - Shaggy Beard kung tawagin niya ito. Hindi ito ang tipo ng lalaki na gugustuhin ni Catherine at taliwas sa mga katangiang hinahanap nito: bata, mabango at malinis, nag-aaral at di Shaggy Beard. Bagamat labag sa kanyang kalooban, tradisyon ng lumang Inglatera o Medieval England na ang mga ama ang siyang naghahanap ng mapapangasawa para sa kanilang mga anak na babae. Maglakbay man palayo, ilagay ang sarili sa panganib sa kagubatan, tumakas at suwayin ang utos ng kanyang ama, babalik at babalik si Catherine upang sa bandang huli ay hintayin ang paglipas ng mga araw at masilayan ang pag-asa – isang napakagandang umaga sa piling ng mamahaling asawa.

Ang The View from Saturday ni E.L. Konigsburg ay lalong higit na kahiya-hiya kay Julian dahil sa kanyang nalalaman. Sapagkat naikintal sa kanyang isipan ng isang mahikero ang isang sikreto na lihim magpakailanman, wala siyang nagawa upang maiwasan ang kaguluhang naganap sa oditoryum sangkot ang dalawang aso – Ginger at Arnold - sa isang presentasyon ng Annie. Nagmistulang piping saksi si Julian – miyembro ng grupong The Souls na kinabibilangan din ni Ethan, Nadia at Noah. Ang paglabas ni Gng. Reynolds sa harap ng telon ng tanghalan ay masasabing kariktan ng kuwento, klaymaktik at karapatan ng persona upang ipaalala ang isang aral pang-elementarya na inaasahan sa lahat, bata man o matanda. Inilahad ni Gng. Reynolds ang kanyang saloobin patungkol sa pangyayari: “Part of the theater experience is learning to be a good audience. You have not been a good audience. You have been a very bad one. I am sorry that you have not learned at home how to act in public. I am ashamed for you because I know you are not ashamed for yourselves…”

Walang nakaaalam kung bakit nagustuhan ng emisaryo ng hari na si Kim ang bibinga na dala ni Tree-ear ng A Single Shard ni Linda Sue Park. Tanging wika lamang nito habang hawak ang kapirasong putol ay wikain ang kaningningan at liwanag nito na maihahambing sa tubig. Ayon sa kanya, ito ay madalang o pambihira at ang kalupkupan ay katangi-tangi at di pangkaraniwan. Kagulat-gulat ito sa kawal at maging kay Tree-ear na bagaman dama ang hapdi, sakit at pamamaga ng katawan sa pagkabugbog niya sa kamay ng dalawang magnanakaw paakyat ng Rock of the Falling Waters. Tagumpay itong matatawag para kay Min, Crane-man, sa sarili at sa buong nayong kanyang kinabibilangan.

No comments: