Tuesday, February 24, 2009

Ikapitong Bahagi ng Ikalawang Serye (II: 7, 2009 Hulyo)

Ang laybraryan ay di lamang debeloper ng koleksyon kundi lalong higit bilang isang ebalweytor nito. Batid niya ang kahalagahan ng paggalang sa kalayaang intelektuwal at karapatan ng mag-aaral tungo sa otentikong pagkatuto nito. Hindi maaring ipilit ang sariling nais, may pagkiling, desisyong nakakapinsala - propesyunal man o hindi, administreytor o guro, magulang o kahit sinumang may bahagi- sa binubuong programa patungkol sa koleksyon ng laybrari sapagkat ito ay taliwas sa inaasahang mga perspektibong maaring may kaugnayan sa relihiyon, batas at yutilitaryanismo.

Ayon sa American Library Association, “protektado ang karapatan ng bawat indibiduwal na makasumpong at matanggap ang impormasyong nais mula sa iba’t-ibang punto de vista ng walang restriksyon dahil sa kalayaang intelektwal mayroon ang lahat.” Dahil dito, obligado ang laybrayan na itaguyod ang karapatan sa walang restriksyon na akses at ipagsanggalang din ang karapatang pagtutol ng mga nasa sensura.

Ang otentikong paraan ng pagkatuto ay inaasahang mangangailangan ng malikhaing programa damay ang koleksyon ng laybrari upang magbunga ng mga epektibong inidibiduwal, mag-aaral man o hindi, na makikinabang sa tamang paggamit ng kaalaman at impormasyon. (AASL/AECT)

Tatlo sa mga susi ay kolaborasyon, liderato at teknolohiya ang maaaring gamitin ng laybraryan sa minimithing debelopment ng kanyang koleksyon. Hindi magandang larawan kung bigla-bigla na lamang aalisin ang napakapopular na libro ng Harry Potter, Of Mice and Men ni John Steinbeck, o di kaya ang Heather has Two Mommies ni Newman ng walang masusing imbestigasyon. Nararapat lamang na idulog ito, magkaroon ng talakayan at batayan kung mananatili o hindi ang isang materyal sa shelf ng laybrari upang maiwasan ang arbitraryong pagpapasiya.

Ang pagpapahalaga sa prosesong may kinalaman sa pag-aanalisa ng koleksyon bagaman ito ay mahabang gawain, paulit-ulit at nakakabagot sa ilan, ay dumidepende sa pamumuno o liderato ng laybraryan. Ang layuning kaakibat ng gawaing ito ay kapuri-puri at kapakipakinabang lalo na kung babalikan at iisipin muli ang hamon ng otentikong pagkatuto ng mag-aaral at ang paggalang na maaring matamo ng sinumang kabahagi sa gawaing ito ng laybrari.

Mararanasan na may mga katrabaho na gagamit ng kompyuter upang kumopya lamang ng softweyr para sa sariling gamit sa bahay. Hindi ba’t ito ay di ayon sa patakaran ng laybrari? Paano ito haharapin? Iminumungkahi ko sa laybrayan ang na gamitin o isagawa ang mga simulaing mayroon ang tinatawag na otentikong model sa pagkatuto ng isang adolt.

No comments: