Tuesday, January 27, 2009

Ikatlong Bahagi ng Ikalawang Serye (II: 3, 2009 Marso 15)

Nakahanda ang laybraryan di lamang dahil may kaalaman siya sa mga elektronikong pagmumulan o tradisyunal na panggagalingan kundi isa rin siyang espesyalista na may kakayahang mapasigla ang sinuman baluti ang isang palaruan ng impormasyon o bilang isang aykon at Wonder Laybraryan ng Information Literacy na siyang inaasahang kaaway ng mga bandido at namimirata at pinakaiibig ang copyright law ng bansa: Super Librando, Isang Filipino, Wonder Man ng Silid-aklatan at Nang Ating Gobyerno! Hinihimok nito ang laybraryan gamit ang laybrari na makapaglagak ng ekselenteng serbisyo at makakabuo ng katagumpayan sa larangan ng paglilingkod.

Hinahangaan siya bilang sayber-kanselor ng laybrari di lamang sa kanyang angking taglay sa teknolohiya bagkus maging sa uri ng kanyang pakikisalamuha dahil sa ang istilo ng kanyang komunikasyon sa laybrari ay bukas at hindi kailanman nakikipagtaguan, pinid o may tabing dahil ang kanyang bahay-gagamga ay hayag, otentiko ang pakikipag-ugnayan at ganap bilang modereytor ng isang komunidad.

Si Librando, tulad ng mga superkids sa kasalukuyang panahon ay may pambihirang literasiya sa impromasayon. Nililingon, di lamang sa kanyang higit sa ordinaryong kasanayan sa paggamit ng teknolohiya kundi dahil na rin sa kanyang kapansin-pansin, propesyunal at superb na interpersonal na katangian kaugnayan ang mga kliyente. Napapangiti nito ang marami baon ang isang positibo at pangmatagalang alaala o karanasan dulot ni Super Librando.. Ngunit ano ang kanyang itsura? May maskara ba siyang suot-suot? Makapangyarihan? Nakakapa? Lumilipad!

Inaasahang siya ay hahanapin di lamang ng mga bata kundi matatagpuan ng lahat ang pagkabili niya ng isang tumpak na lugar o karapatang magmay-ari sa Ikalawang Buhay o Second Life upang doon din ay maipamalas ang angking kagalingan. Ito ay isang hamon tungo sa kamangha-manghang pakikipagsapalaran ni Librando sa virtuwal na daigdig bilang isang Avatar - kaisa o instrumento ng mga indibiduwal na gusting-gusto ang biswal na teknolohiya, bilis ng takbo, eksena at kalantaran ng kaalaman bilang tugon sa anumang katanungan.

Si Librando, isang Super Laybraryan ng kasalukuyang panahon, ay bahagi ng bawat nilalang na ang hanap ay impormasyon, hatid ay gabay sa pananaliksik ng bawat kabataan, mag-aaral man o hindi.

Thursday, January 22, 2009

Saturday, January 17, 2009

Ikalawang Bahagi ng Ikalawang Serye (II: 2, 2009 Pebrero 15)

Pagiging reflektibo, kritikal at otentikong pagkaranas ang maaring idulot sa mga laybraryan ang pagkakaroon ng mga handang portfolio bilang durungawan o batayan ng mga serbisyong ihahandog ng laybrari kaakibat ang masusing ebalwasyon lalung-lalo na ng mga tumatangkilik dito. Halimbawa, maaaring isa itong pag-aanunsiyo at pagtawag ng sampung masugid na mambabasa upang makiisa bilang lupon na mangangatwiran, magbibigay ng puna o marka sa anumang programa ng laybrari gamit at isinasaalang-alang ang apat na mahahalagang proseso – koleksyon, organisasyon, refleksyon, at presentasyon (Wyatt III and Looper, 2004).

Lubhang napakahalaga dito ang pakikipagtalakayan at paglilista ng mga datos sa ikagaganda ng portfolio at ikalalago ng laybraryan bilang tagaplano. Tinutulungan ng lupon ang laybraryan sa kanyang pansariling repleksyon upang makabuo ng isang mabuting portfolio – alternativong asesment at may kalidad na pamamaraan - ng mga isasakatuparang mga gawain ng laybrari.

Nasasalamin sa portfolio ang pilosopiya, lalim ng pananaliksik, karanasang may interaksyon, piling mga aktividades, mga layunin ng laybraryan bilang isang propesyunal na individuwal na ang nais ay ang matagumpay na laybrari para sa kanyang komunidad na pinaglilingkuran.

Una sa lahat, malaya ang laybraryan sa anumang komposisyon o laman mayroon ang kanyang portfolio salik dito ang kanyang kakaibang gamit ng imahinasyon at pagkamalikhain kasama ng mga ebidensya, materyales o artifacts ng mga naganap, ginagaganap at ihahain pa lamang. Kakaiba ang portfolio ng isang espesyalista tulad ng laybraryan kumpara sa mga popular na nalalaman - elektroniko man o hindi – sapagkat ito ay hypermedia, may onlayn at tradisyunal na pagmumulan.

Pangalawa, pinakamainam na matanto ng laybraryan kung kahanga-hanga o hindi kaiga-igaya ang gamit niyang refleksyon sa ebidensya, materyales o artifacts ng mga naganap, ginagaganap at ihahain pa lamang ng kanyang portfolio. Kinakailangang pagtuunan ng pansin at balikan ang pinakadahilan kung bakit isinasailalim ang sarili sa paghahanda ng isang portfolio. Ito ay ang ikagalak ng puso ang katagumpayang natamo at magamit ito bilang inspirasyon o batayan para sa pagpaplano sa hinaharap. Matatagpuan sa portfolio ng laybraryan ang kahapon, ngayon at bukas ng isang laybari ng kasalukuyang panahon.

Sunday, January 11, 2009

Unang Bahagi ng Ikalawang Serye (II: 1, 2009 Enero 15)

Mapapakinabangan ng bawat laybraryan ang pagpapamalas ni Michael Stephen ng isang balangkas upang makabuo ang sinuman ng isang rubikong presentasyon ng isang onlayn or web-based reader service na hindi lamang naglalaman ng serbisyong puro teksto o karaniwang higit pa dito bagkus nagtataglay ng karagdagan at marami pang inobasyon.

Isang klasikong rubiko, Cube o bloke na maaring buuin na mahihinuha sa konseptong hyperlinked library ni Stephen ay maaring hati-hatiin sa anim na mukha na may siyam na padikit ang bawat isa na may pare-parehong kulay. Kinakailangan lamang na ang bawat mukha ng bloke ay buo at iisa na lamang ang kulay (Wikipedia, 2009):

White, The Library is transparent; Red, The Library is participatory and harnesss user-generated content; Blue, The Library tells stories; Orange, The Library plays; Green, The Library makes connections; Yellow, The Library learns (http://tametheweb.com/)

 Maaring patuloy na maragdagan nito di lamang ang pagtaas ng bilang ng mga indibiduwal na dumarako sa mga elektronikong pagmumulan ngunit pati na rin ang isang porsiyento sa kasalukuyan na ang inuunang tangkilikin ay ang elektronikong sayt ng laybrari.

 Nahahayaan at pinauunlakan ang mambabasa na maging modereytor o content provider sa isang padikit bilang diretsong pagpapahalaga sa maaring magawa nila sa serbisyong onlayn ng silid-aklatan o laybrari.

 May sariling sayber-kansilor ang sayt ng laybrari upang siyang maging tagapakinig sa anumang virtuwal na kalagayan mayroon ang kostumer na umaasang matutunghayan ang impormasyong nililiyag.

 Ang istilo ng komunikasyon ng laybrari ay bukas at hindi kailanman nakikipagtaguan, pinid o may tabing dahil ang bahay-gagamga ay hayag, otentiko ang pakikipag-ugnayan at ganap bilang isang komunidad.

 Pinayayaman nito ang karanasan ng bawat kasapi dahil na rin sa mga inobatibong serbisyo at pagsisilbi bilang daluyan ng mga talakayan, plataporma, at pagpapakilala di lamang ng mambabasa kundi kasama pati ang mga kawani ng laybrari.

 Inilalahok nito ang lahat sa isang pakikipagniig tungo sa kolektivong katalinuhan o kaalaman bunga ng pagiging newbie na may angking kasabikan, mga sariwang ideya at may kahandaang lumago sa bawat pakikipagsapalaran gamit ang sayt ng laybrari.

Ang presensiya rin ng laybrari sa virtuwal na kalagayan di lamang sa kanyang kasalukuyang katayuan ay isang hamon tungo sa kagila-gilalas na mundo, ang Ikalawang Buhay o Second Life. Ang inisyatibo sa pagbili ng virtuwal na lupa o karapatan sa Ikalawang Buhay o Second Life ay isang katangi-tanging at inaasahang programa na kalulugdan lalong higit ng mga indibiduwal na gustong-gusto ang ang biswal na teknolohiya, bilis ng takbo, eksena at kalantaran ng kaalaman bilang tugon sa anumang katanungan.

Monday, November 17, 2008

Ikalabingdalawang Bahagi ng Isang Serye

Inaasahan na matutunghayan ninuman ang mga serbisyong pang-aklatan na mayroon ang laybraryan para sa kanyang mga mambabasa sa Internet o bahay-gagamga.

Bahagi sa mga gawain ng laybraryan ay ang mga malikhaing pamamaraan upang maganyak ang mga tao na hanapin at tugunan ang mga pangangailan sa impormasyon saan man sila naroon. Hinahayag ito ng mga manggagawa ng mga silid-aklatan bilang readers services. Isang malaking puntos para sa isang silid-aklatan na handugan ang publiko ng mga katalogo at mga elektronikong panggagalingan o websites, dyornal, paksang patnubayan at iba pa ang kanyang mga mambabasa.

Maipabatid nawa nito sa lahat ang isang hiling ng isang ama:

maging palabasa sana si Julia bagama’t siya ay dalawang taon pa lamang ng sa gayon siya ay maging dalubhasa rin sa kultura. Unang larawan kanyang nakita ay mula sa akdang sinulat ni Luis Gatmaitan at ito ay ang Aba, May Baby sa Loob ng Tiyan ni Mommy!. Tuwang-tuwa si Julia tuwing bubuklatin ito ng kanyang ina. Pagkakita sa larawan ng nagdadalang-taong babae, kanyang titignan ang aking asawa at sabay ngiti pagkatapos sulyapan ang tiyan nito. Ayon sa ama, “si Julia ay bunga ng isang pangarap at hinihiling na sana ay walang depekto sa katawan…”

Katulad ng ginagawa ng ilan, may talakayang nagaganap sa tulong na rin ng Internet. Dito di naiinip ang karamihan - mga estudyante sa kolehiyo bilang halimbawa - at di maiksi ang pasensiya sa talakayan. Ang biswal na teknolohiya, bilis ng takbo, eksena at tugon sa tanong ay mga hamon sa laybraryan upang mailantad kaagad kung anuman mayroon ang kanyang silid-aklatan upang mapagsilbihan ang nagangailangan. Ang kaalamang mayroon ang laybraryan sa koleksyon at proseso ng panaliksik ay nararapat lamang na mapaghuhusay pa gamit ang mga libre o may bayad na teknolohiya.

Nawa’y pakatatandaan ng bawat laybraryan na ang karamihan sa ating mga tagatangkilik ay may kakaibang ekspektasyon - format agnostic, nomadic, multitasking; paraan sa pagkatuto - experiential, collaborative, integrated; at paniniwala - principled, adaptive, direct sa paggamit ng impormasyon Abram at Luther, 2004).

Friday, October 10, 2008

Ikalabing-isang Bahagi

Ang library poverty ay bunga rin ng inobasyon. Ayon kay Luecke (2003), ang inobasyon ay maaring makasira sa kadahilang maraming institusyon ang hindi nagtatagumpay na makasabay sa mga inobasyon at nawawala na lamang unti-unti na siya namang pinatotohanan ng Harvard Business Essentials (2003).

Isang halimbawa ay ang pagkakaroon ng mga elektronikong dyornal sa mga silid-aklatan. Kakailanganin ng isang pang-akademikong silid-aklatan ang higit sa sampung libong dolyar o limang daang libong piso para magkaroon ng elektronikong dyornal sa pamagitan ng isang pagtutulungan, alyansa o consortium ng limang pampublikong paaralan. Maliban dito ay ang pagbabayad ng karagdagang limang porsyento o 480 na dolyares o mahigit na dalawampung libong piso kada taon upang magkamit ng karapatang makapagbukas, makapag-eksplor at makagamit ng pangkasalukuyang bilang na 175 na elektronikong dyornal na gawang banyaga.

Pagtuunan ng pansin: pitong porsiyento lamang sa mga elektronikong dyornal na nakalista ang may kaugnayan sa Health Care Management, walo para sa Education Management at 85 ay Business, Management at Information Technology. Ang mga naunang nabanggit na porsiyento ay napakaliit sa inaasahang benepisyo na matatangap o siyang tutumbas sa halagang igugugol sa mga elektronikong dyornal ng mga paaralang ang konsentrasyon ay edukasyon at kalusugan.

Halos lahat ay walang sapat na badyet para sa sa mga elektronikong database
at ito ay nabanggit minsan ni Hickok (2007) mula sa daan-daang panayam na kanyang nagawa . Kahit na nga ang isang koleksyon na nagkakahalaga ng 4,050 na dolyares o 186,300 na libong piso para sa labing-apat na elektronikong dyornal pangkalusugan at medisina ay di mabibili para sa aming kliyente dahil sa mayroon lamang kaming 67 posiyento nito na nakalaan para sa e-journals at di pa kasama dito ang nabanggit na limang porsiyentong dagdag bawat taon na 202.50 na dolyares o 9, 315 na libong piso.

Mahigit labingtatlong libo o 289 na dolyares bawat dyornal na lubhang napakamahal kumpara sa kopyang papel na hinahahanap ng 9 sa sampung mananaliksik sa silid-aklatan tubing Sabado.

Tinanong ko minsan ang isang BSE na mag-aaral na naghihiram ng libro patungkol sa saligang batas. Nakagamit ka na ba ng e-journal? "Di pa po! Ano po yon? First year pa lang po ako!" tugon niya.

Thursday, October 2, 2008

Ikasampung Bahagi ng Isang Serye

Pinakaiibig ng isang laybraryan ang copyright law ng bansa. Upang maiwasan ang anumang uri ng paglabag sa batas, ang Republic Act 8293 ay isang sandigan upang maging palagay at walang agam-agam ang laybraryan sa gitna ng pagpapasiya na may kaugnayan sa patas na karapatan ng manunulat at ng mambabasa.

Nakatutuwang pansinin ang bagong video na gawa ng DLSU para sa kanilang library orientation na may kaakibat na paalala patungkol sa copyright law. Ito ay mapapanood din sa tamang panahon kung bubuksan ang http://www.dlsu.edu.ph/library/ at nawa’y tularan ng lahat ng mga nakasaksi at maaring tanggapin bilang panimulang pagpapahayag at pakikiisa laban sa walang habas na duplikasyon o replikasyon ng mga babasahin (elektroniko man o hindi) na ayon sa ilan ay nagyayari dahil na rin sa ito ay ginagawa ng karamihan, pagsasamantala dahil walang nakakakita, at minsan lang naman bilang rason ng iba .

Maliban sa pagbebenta ng manlilikha o ng isang tagalimbag, ang pagpapaalam, pagsusupling o pagpapahiram sa publiko ng isang orihinal na kopya ay isang paraan na rin upang tangkilikin ang pagkabuo ng isang akda. Ang mga laybraryan taglay ang yaman ng silid-aklatan, gamit ang kanilang sining at disiplina, ay may laang proteksyon sa mga orihinal na akdang intelektwal sa artistikong larangan o pampanitikan gawa man ito ng gobyerno, isang indibiduwal, may kasugpong sa pagsulat o kolektiv at iba pa.

Mainam na basahin muli ang kabuoan ng Intellectual Property Code of the Philippines o Republic Act No. 8293 na maaring matagpuan sa http://www.photo.net.ph/ipcode/ at bigyang pansin ang Section 188 patungkol sa Reprographic Reproduction by Libraries.

Mula sa mga pamantayang nakalagay sa kanilang web sites, apat sa sampung unibersidad sa Pilipinas ang hindi pumapayag sa pagseroks ng mga di-nalimbag tulad ng tesis at disertasyon (SPUQC;ISU;ADNU;TUP) habang dalawa dito ay pinahihintulutan ang kanilang mambabasa na makapagseroks ng abstract, review of literature, at bibliography o ng labinlimang pahina lamang mula dito para sa mga mananaliksik mula sa graduate program (UPLB;UST). Apat sa kanila ay nagbibigay ng oras upang makapag-photocopy ang kanilang kliyente sa loob ng labinlimang minuto (BulSU); tatlumpung minuto (TUP;ISU); at isang oras (CDU). Limitado rin kung djornal naman. Dalawang artikulo lamang sa bawat isyu (IRRI) at sampung porsiyento naman ng libro ang pwedeng iseroks (SPUQC). Isa sa sampu ay kawani ng silid-aklatan ang nag-seseroks at hindi ang kostomer o ang sinuman.