Pagiging reflektibo, kritikal at otentikong pagkaranas ang maaring idulot sa mga laybraryan ang pagkakaroon ng mga handang portfolio bilang durungawan o batayan ng mga serbisyong ihahandog ng laybrari kaakibat ang masusing ebalwasyon lalung-lalo na ng mga tumatangkilik dito. Halimbawa, maaaring isa itong pag-aanunsiyo at pagtawag ng sampung masugid na mambabasa upang makiisa bilang lupon na mangangatwiran, magbibigay ng puna o marka sa anumang programa ng laybrari gamit at isinasaalang-alang ang apat na mahahalagang proseso – koleksyon, organisasyon, refleksyon, at presentasyon (Wyatt III and Looper, 2004).
Lubhang napakahalaga dito ang pakikipagtalakayan at paglilista ng mga datos sa ikagaganda ng portfolio at ikalalago ng laybraryan bilang tagaplano. Tinutulungan ng lupon ang laybraryan sa kanyang pansariling repleksyon upang makabuo ng isang mabuting portfolio – alternativong asesment at may kalidad na pamamaraan - ng mga isasakatuparang mga gawain ng laybrari.
Nasasalamin sa portfolio ang pilosopiya, lalim ng pananaliksik, karanasang may interaksyon, piling mga aktividades, mga layunin ng laybraryan bilang isang propesyunal na individuwal na ang nais ay ang matagumpay na laybrari para sa kanyang komunidad na pinaglilingkuran.
Una sa lahat, malaya ang laybraryan sa anumang komposisyon o laman mayroon ang kanyang portfolio salik dito ang kanyang kakaibang gamit ng imahinasyon at pagkamalikhain kasama ng mga ebidensya, materyales o artifacts ng mga naganap, ginagaganap at ihahain pa lamang. Kakaiba ang portfolio ng isang espesyalista tulad ng laybraryan kumpara sa mga popular na nalalaman - elektroniko man o hindi – sapagkat ito ay hypermedia, may onlayn at tradisyunal na pagmumulan.
Pangalawa, pinakamainam na matanto ng laybraryan kung kahanga-hanga o hindi kaiga-igaya ang gamit niyang refleksyon sa ebidensya, materyales o artifacts ng mga naganap, ginagaganap at ihahain pa lamang ng kanyang portfolio. Kinakailangang pagtuunan ng pansin at balikan ang pinakadahilan kung bakit isinasailalim ang sarili sa paghahanda ng isang portfolio. Ito ay ang ikagalak ng puso ang katagumpayang natamo at magamit ito bilang inspirasyon o batayan para sa pagpaplano sa hinaharap. Matatagpuan sa portfolio ng laybraryan ang kahapon, ngayon at bukas ng isang laybari ng kasalukuyang panahon.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment