Bahagi ng isang anunsyo mula sa Library Journal, isang popular na banyagang babasahin: upang makalikha ng katangi-tanging karanasan para sa mga mambabasa, kinakailangang palayain ang mga kawani ng laybrari. Kalagan sila mula sa ngipin ng pang-araw-araw na operasyon upang mapagtuunan ang pinakamahalaga: ito ay ang mga tagatangkilik o kostumer.
Gamit ang kontent ng literatura sa Ingles ng mga Pilipino, maaaring isaganap ng laybraryan ang isang programa upang mapagyaman pa ang kanyang Readers’ Advisory 101 sa seksyon ng Filipiniana. Dito magagawa ang higit pa sa inaasahan at mababawasan ang dependensya ng laybraryan sa elektonikong katalogo. Iniiwasan ito dahil ayon kay Chelton (2003), “ginagamit ng laybraryan ang onlayn na katalogo o OPAC upang maging abala ang mga palad at mga mata gayong nararapat ang interaksyon bunsod ng isang tanong.” Ito ay mapapasigla pa ng mas malalim na sesyon sa pagsumpomg ng mambabasa sa ibat-ibang akda, anyo, paksa at kaligirang kasaysayan, damdamin na sumasalamin sa S.H.E. ng mga piyesang pinili ng laybraryan mula sa koleksyong pampanitikan ng mga Pilipino sa wikang Ingles ng laybrari.
Ilan sa maaring bigyan ng repleksyon para sa RA 101 gamit ang PLE bilang kontent ng laybraryan:
Tuliro ang mga mag-aaral sa paghinuha kung bakit Magnificence ang titulo ng maikling katha ni Estrella D. Alfon. Maibibigay ba ng kanyang dula With Patches of Many Hues ang payak na kasagutan o taliwas sa inaasahan? Istilo nga ba’y iisa o magkaiba? Sa anu-anong aspeto o bahagi? May kailangang gampanan si Alfredo sa isang babae lamang at sino ang kanyang iibigin ng habambuhay? Julia Salas o Esperanza ng Dead Stars ni Paz Marquez Benitez? Ganito rin ba ang kaguluhang emosyunal damay ang lipunan sa Canao o Wedding Dance ni Amador Daguio? Alin sa dalawa ang akda ni Wilfrido Ma. Guerrero: How my Brother Leon Brought Home A Wife o Three Rats? Sino ang sumulat ng El Consejo De Dios na isinalin sa Ingles na may pamagat na The Council of the Gods? Isa ka bang guro o administreytor na kabilang sa The Visitation of the Gods ni Gilda Cordero-Fernando? Anong personal na kahirapan sa buhay ang lihim na itinatago ng manggagamot sa Faith, Love, Time and Dr. Lazaro ni Gregorio C. Brillantes at ng Scent of Apples ni Bienvenido N. Santos? Lubhang kaybigat basahin ang Turn Red the Sea ni Wilfredo D. Nolledo at ang tulang Order for Masks ni Virginia R. Moreno. Malaya mo bang irerekomenda ang In Painful Memory of a Savage Town in Florentino Dauz sa mga bata o magdadalawang isip ka? Naaalala mo pa ba ang napakalungkot na dulang The World is an Apple ni Alberto S. Florentino at ang Cavort with Angels na isinapelikula ilang taon ang nakalilipas?
May kamalayan ang laybraryan at ang mambabasa sa dayalogo na maaring mabuo. Mas mainam na makita mula sa huli ang kasabikang mahukay ang mga natatago o misteryo ng bawat naisulat sa nakaraan, patula man o tuluyan. Hinihimok ng laybraryan ang mas maapoy na talakayan at inilalarawan ang kaligirang kasyasayan nito upang mabuksan ang pinid na katotohanan mula sa nababasang piyesa ng literatura.
Ang perspektibo ito ay isang insentibo upang magkaroon ng mas maganda pang ugnayan ang laybraryan at ang mambabasa. Ang diskurso sa pagitan ng dalawa ay inaasahang skolastiko, nakadaragdag kalusugan at di isang bigatin sa sinuman.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment