Tuesday, February 24, 2009

Ikapitong Bahagi ng Ikalawang Serye (II: 7, 2009 Hulyo)

Ang laybraryan ay di lamang debeloper ng koleksyon kundi lalong higit bilang isang ebalweytor nito. Batid niya ang kahalagahan ng paggalang sa kalayaang intelektuwal at karapatan ng mag-aaral tungo sa otentikong pagkatuto nito. Hindi maaring ipilit ang sariling nais, may pagkiling, desisyong nakakapinsala - propesyunal man o hindi, administreytor o guro, magulang o kahit sinumang may bahagi- sa binubuong programa patungkol sa koleksyon ng laybrari sapagkat ito ay taliwas sa inaasahang mga perspektibong maaring may kaugnayan sa relihiyon, batas at yutilitaryanismo.

Ayon sa American Library Association, “protektado ang karapatan ng bawat indibiduwal na makasumpong at matanggap ang impormasyong nais mula sa iba’t-ibang punto de vista ng walang restriksyon dahil sa kalayaang intelektwal mayroon ang lahat.” Dahil dito, obligado ang laybrayan na itaguyod ang karapatan sa walang restriksyon na akses at ipagsanggalang din ang karapatang pagtutol ng mga nasa sensura.

Ang otentikong paraan ng pagkatuto ay inaasahang mangangailangan ng malikhaing programa damay ang koleksyon ng laybrari upang magbunga ng mga epektibong inidibiduwal, mag-aaral man o hindi, na makikinabang sa tamang paggamit ng kaalaman at impormasyon. (AASL/AECT)

Tatlo sa mga susi ay kolaborasyon, liderato at teknolohiya ang maaaring gamitin ng laybraryan sa minimithing debelopment ng kanyang koleksyon. Hindi magandang larawan kung bigla-bigla na lamang aalisin ang napakapopular na libro ng Harry Potter, Of Mice and Men ni John Steinbeck, o di kaya ang Heather has Two Mommies ni Newman ng walang masusing imbestigasyon. Nararapat lamang na idulog ito, magkaroon ng talakayan at batayan kung mananatili o hindi ang isang materyal sa shelf ng laybrari upang maiwasan ang arbitraryong pagpapasiya.

Ang pagpapahalaga sa prosesong may kinalaman sa pag-aanalisa ng koleksyon bagaman ito ay mahabang gawain, paulit-ulit at nakakabagot sa ilan, ay dumidepende sa pamumuno o liderato ng laybraryan. Ang layuning kaakibat ng gawaing ito ay kapuri-puri at kapakipakinabang lalo na kung babalikan at iisipin muli ang hamon ng otentikong pagkatuto ng mag-aaral at ang paggalang na maaring matamo ng sinumang kabahagi sa gawaing ito ng laybrari.

Mararanasan na may mga katrabaho na gagamit ng kompyuter upang kumopya lamang ng softweyr para sa sariling gamit sa bahay. Hindi ba’t ito ay di ayon sa patakaran ng laybrari? Paano ito haharapin? Iminumungkahi ko sa laybrayan ang na gamitin o isagawa ang mga simulaing mayroon ang tinatawag na otentikong model sa pagkatuto ng isang adolt.

Monday, February 16, 2009

Ikaanim na Bahagi ng Ikalawang Serye (II: 6, 2009 Hunyo)

Hindi mainam kung ang laybraryan ay masusuya, palihim man o hindi, sa minsang hindi kagandahan ng ugali o kilos ng isang tagatangkilik. Ito ay tahimik na sandata ngunit isang makatotohanang banta na maaring di magdulot ng magandang relasyon ng laybrari sa kanyang mga mambabasa. Nasusulat sa bibliya ng pakikipag-ugnayan na ang pagkasuya o pagkainis sa isang kostumer ay di lingid bagkus ay natural na nararamdaman niya ito – bago, habang o kahit na tapos na ang pakikipagtalakayan o usapan. Nararapat lamang na lahukan pa ng isang laybraryan ang kanyang disiplina sa pakikipag-ayos ng kahit na payak na sining upang di maging negatibo o di otentiko ang pakikipagdaupang palad sa kanyang mga kostumer.

Halimbawa: halatang-halata na di nagustuhan ni Flor, isang Inglisera at sopistikadang laybraryan, ang pagkain ng tsitsirya ni Honey, mag-aaral na galing sa isang mayamang pamilya, sa loob ng silid-aklatan. Dinig na dinig ang tagisan ng kanilang artikulasyon sa Ingles at matutunghayan ang kawalan ng mas malalim na layunin kung bakit nasasangkot. Hindi naging mabuti ang pakiramdam ng dalawang panig bagkus ito ay lagi na lang nagpapaalala sa isa’t-isa ng kakatwang pangyayari na di kalusog-lusog sa tuwing nagkukrus ang kanilang daan sa loob at labas ng pamantasan.

Pangalawa, ikinabahala naman ng klerk ang galit ng isang bisita dahil sa hindi niya binigyan ng permiso ito na makagamit ng laybrari. Ang bisitang babae ay galing pa sa Las Pinas at dumating sa laybrari ng walang referral letter at lagpas sa takdang oras. Halos isumpa ang klerk at sinasabing masidhi ang kanyang nais na makapagsaliksik, hindi man lang siya pinagbigyang makapasok bagama’t handa naman siyang magbigay ng kaukulang bayad.

Gamit ang model na S-E-R-V-E mula sa isang laybrari sa Singapore, maitataas ang antas ng uri ng pakikisalamuha sa mga tagatangkilik at mapapabilis ang hinahangad na tagumpay sa otentikong pakikipagkaibigan ng laybrari sa mga tagatangkilik.

Nararapat na humingi ng paumanhin ang laybrayan sapagkat di naging kaaya-aya ang kalagayan ng tagatangkilik. Sa anumang sitwasyon, ang pag-aaruga ng tama sa mambabasa ay dapat na makita – maayos man ito o hindi sa serbisyong mayroon ang aklatan. (Say Sorry!)

Maglaan kaagad ng solusyon at kalimutan pansamantala ang bigat ng problema. Sa harap ng isang umiiyak na mag-aaral na nawalan ng bag, sabihan at papuntahin ng mabilis ito sa palikuran ng mga babae upang masumpungan ang hinahanap. (Expedite the solution!)

Maiinis nga naman ang propesor kung paghihintayin siya sa pagdating ng magdedesisyon kung pahihiramin siya ng higit sa limang libro o hindi gayong ang pagpapasiya ay nasa kamay naman ng mga di liban na mga kawani. (Respond immediately!)

Kausapin ang kostumer ng may kahinahunan at ipaliwanag na sa ikalawang pagkakataon ay inaasahang dala niya ang kanyang library card at ito ay validated ng mga kinauukulan. (Victory for the customer!)

Mag-analisa ng mga naganap: nararapat bang humingi ng paumanhin o hindi? Baka di naman hinihingi ng sitwasyon o mas dapat pagtuuunan ng pansin ang tumpak na solusyon. Nakaramdam ka ba ng kabiguan sa gitna ng ngiti na mayroon ang iyong tagatangkilik? Pakatandaan na ang tagumpay (ngiti sa mga labi) niya ay tagumpay ng rin laybraryan at laybrari. (Evaluate the library experience.)

Ang yutilisasyon ng S-E-R-V-E mula sa bansang Singapore ay pasado bilang isang otentikong learning model para sa laybraryan ng kasalukyang panahon.

Tuesday, February 10, 2009

Ikalimang Bahagi ng Ikalawang Serye (II: 5, 2009 Mayo)

Damang-dama ng nakararami ang library poverty na mayroon sa Pilipinas- mula sa badyet, kawalan ng bisibilidad sa World Wide Web o e-gap hanggang sa kakontian ng mga kawani sa laybrari. Banggitin na rin dito ang pag-uugali at uri ng pakikisalamuha sa kapwa manggagawa kung nasa bingit ng desisyon o gitna ng talakayan. Kitang-kita ang di-nakalulusog na kompetisyon lahok ay impluwensiya, pulitika at byuryukrasya.

Ilan sa mga popular na karanasan na kung saan mapagmamasdan at mapapakinggan ang di nararapat mula sa tinatawag na mga propesyunal ng laybrari, pampubliko o pribadong tanggapan man: may akreditasyong nagaganap, tuwing may staff meetings, book week celebration, book fair, promosyon, official business, affiliations, sabskripsyon at marami pang iba.

Hindi nga iyan makadalo sa isang pagpupulong sa labas dahil mayroon siyang pinahiyang mag-aaral dito sa laybrari at ito ay nakarating na sa administrasyon. Hinihintay na nga naming mapalitan na siya dahil tuwing bibili siya ng libro ay may komisyon siyang natatanggap. Head pa naman namin siya at di magandang halimbawa sa lahat. Sinasagot na nga namin iyan ng pabalang kasi ba naman kabastos-bastos naman siya. Nakakapagod na! Walang kwentang tagapanguna! (Laybraryan Mula sa Isang Pribadong Mababang Paaralan)

Kapag nakita ko itong libro, anong gagawin ko sa iyo? Isasampal ko sa pagmumukha mo! (Isang Dekano Mula sa isang Pampublikong Pamantasan)

Kumikita kasi sila sa bawat bidding na mayroon. (Hepe ng Isang Pampublikong Laybrari)

Anong ibig mong sabihin? Pagbabantayin mo ako at magsasaway ng mga estudyante sa Museo! Sa estado kong ito bilang direktora ay di na yata nararapat ito. Di ko magagawa ang sinasabi mo. Naging prinsipal na ako at sa bahay ay marami akong katulong at pwede kong utusan ang asawa ko kung mayroon akong naisin ipagawa sa kanya. (LS Intern ng Silid-aklatan)

Nagkamali nga ako kung bakit hinayaan kong maimpluwensiyahan ng dalawa sa desisyon kong i-promote siya. Madalas siyang liban at huli kung pumasok sa kanyang laybrari. Nahihiya ako sa iyo! (Ehekutibo Opiser ng pampublikong bangko)

Hindi mo dapat sinusundo ang anak niya sa oras ng trabaho. Laybrayan ka, propesyunal at bawal iyan bilang empleyado ng gobyerno. Di kasama sa iyong job description ang pagiging yaya at tagahugas ng mga basong pinaggamitan nila. (Opiser ng Isang Asosasyon)

May tatlong personalidad sa kasaysayan ang maaring tularan ng lahat upang maging kalusog-lusog di lamang sa pangangatawan bagkus pati sa kaluluwa at kaisipan ang bawat isa kung nasasangkot o nakararanas ng ilan tulad sa mga nabanggit. Basahin ang To Be Gentle Librarians at tuklasin ang mga inihayag na mga mantra na maaring gamitin mula Lunes hanggang Linggo para sa pang-araw-araw na kahinahunang kinakailangan ng mga propesyunal na kawani ng laybrari.

Sunday, February 1, 2009

Ikaapat na Bahagi ng Ikalawang Serye (II: 4, 2009 Abril)

Bahagi ng isang anunsyo mula sa Library Journal, isang popular na banyagang babasahin: upang makalikha ng katangi-tanging karanasan para sa mga mambabasa, kinakailangang palayain ang mga kawani ng laybrari. Kalagan sila mula sa ngipin ng pang-araw-araw na operasyon upang mapagtuunan ang pinakamahalaga: ito ay ang mga tagatangkilik o kostumer.

Gamit ang kontent ng literatura sa Ingles ng mga Pilipino, maaaring isaganap ng laybraryan ang isang programa upang mapagyaman pa ang kanyang Readers’ Advisory 101 sa seksyon ng Filipiniana. Dito magagawa ang higit pa sa inaasahan at mababawasan ang dependensya ng laybraryan sa elektonikong katalogo. Iniiwasan ito dahil ayon kay Chelton (2003), “ginagamit ng laybraryan ang onlayn na katalogo o OPAC upang maging abala ang mga palad at mga mata gayong nararapat ang interaksyon bunsod ng isang tanong.” Ito ay mapapasigla pa ng mas malalim na sesyon sa pagsumpomg ng mambabasa sa ibat-ibang akda, anyo, paksa at kaligirang kasaysayan, damdamin na sumasalamin sa S.H.E. ng mga piyesang pinili ng laybraryan mula sa koleksyong pampanitikan ng mga Pilipino sa wikang Ingles ng laybrari.

Ilan sa maaring bigyan ng repleksyon para sa RA 101 gamit ang PLE bilang kontent ng laybraryan:

Tuliro ang mga mag-aaral sa paghinuha kung bakit Magnificence ang titulo ng maikling katha ni Estrella D. Alfon. Maibibigay ba ng kanyang dula With Patches of Many Hues ang payak na kasagutan o taliwas sa inaasahan? Istilo nga ba’y iisa o magkaiba? Sa anu-anong aspeto o bahagi? May kailangang gampanan si Alfredo sa isang babae lamang at sino ang kanyang iibigin ng habambuhay? Julia Salas o Esperanza ng Dead Stars ni Paz Marquez Benitez? Ganito rin ba ang kaguluhang emosyunal damay ang lipunan sa Canao o Wedding Dance ni Amador Daguio? Alin sa dalawa ang akda ni Wilfrido Ma. Guerrero: How my Brother Leon Brought Home A Wife o Three Rats? Sino ang sumulat ng El Consejo De Dios na isinalin sa Ingles na may pamagat na The Council of the Gods? Isa ka bang guro o administreytor na kabilang sa The Visitation of the Gods ni Gilda Cordero-Fernando? Anong personal na kahirapan sa buhay ang lihim na itinatago ng manggagamot sa Faith, Love, Time and Dr. Lazaro ni Gregorio C. Brillantes at ng Scent of Apples ni Bienvenido N. Santos? Lubhang kaybigat basahin ang Turn Red the Sea ni Wilfredo D. Nolledo at ang tulang Order for Masks ni Virginia R. Moreno. Malaya mo bang irerekomenda ang In Painful Memory of a Savage Town in Florentino Dauz sa mga bata o magdadalawang isip ka? Naaalala mo pa ba ang napakalungkot na dulang The World is an Apple ni Alberto S. Florentino at ang Cavort with Angels na isinapelikula ilang taon ang nakalilipas?

May kamalayan ang laybraryan at ang mambabasa sa dayalogo na maaring mabuo. Mas mainam na makita mula sa huli ang kasabikang mahukay ang mga natatago o misteryo ng bawat naisulat sa nakaraan, patula man o tuluyan. Hinihimok ng laybraryan ang mas maapoy na talakayan at inilalarawan ang kaligirang kasyasayan nito upang mabuksan ang pinid na katotohanan mula sa nababasang piyesa ng literatura.

Ang perspektibo ito ay isang insentibo upang magkaroon ng mas maganda pang ugnayan ang laybraryan at ang mambabasa. Ang diskurso sa pagitan ng dalawa ay inaasahang skolastiko, nakadaragdag kalusugan at di isang bigatin sa sinuman.