Monday, July 25, 2011

Isang Altar Para kay Genoveva E. Matute

Sa payak na paraan na ipinamalas ni Armando Mandy Diaz, Jr., isang superfan ni Nora Aunor, maaaring gayahin o hugutan ng inspirasyon ng mga mag-aaral sa Pamantasang Normal ng Pilipinas ang nilulunggating museo o altar para sa napakahalagang guro ng pamantasan na pumayapa na noong 2009, si Bibang o mas kilala sa pangalang Genoveva Edroza Matute (GEM).

Mula noong 1967, ang batang si Mandy ay nag-ipon na ng mga siniping lathalain (may 47 na bolyum) at sampung (10) album na mga larawan (mula sa 172 na pelikula at mga pabalat na mga magasin at komiks) ng kanyang iniidolong superstar ng kanyang panahon, artista ng All Over the World hanggang sa huling pelikulang napanood ni Diaz, ang Naglalayag (2008).

Ayon sa kanyang artikulong, Miracle o Himala, na naisulat bago pumanaw ay di niya hahayaang matupok ng apoy ang kanyang koleksyon bagkus una niya itong ililigtas. Ilan sa mga malalaking larawan ay nakalagay mismo sa pintuan ng kanyang bahay, bintana at maging sa altar. Tinutukoy niyang Nora Aunor Avenue ang lugar na kung saan masusumpungan ang kanyang tirahan. Dito natatagpuan ng mga mananaliksik ang mga dokumentong di mahanap sa mga formal na institusyon na may kaugnayan kay La Nora. At sinumang lalabas at dadaan sa pintuan ng kanyang bahay ay inaasahang magpupugay o magbibigay-galang sa larawang nakadikit dito na tila kilos na iginagawi sa mga santo o rebulto sa Quiapo o Baclaran.

Nararapat lamang na ang karubduban ng paghanga ni Mandy ay maipamalas din ng sinumang nais itanghal ang manunulat ng Ang Kuwento ni Mabuti (1951). Ang pagkakaroon ng pag-ibig sa isang dakilang Manilena, dahil na rin sa kanyang kaabaan, nagtinda ng kakanin (sa harapan ng dating San Lazaro, na ngayon ay SM-Manila), gulay (kasama ang isang kapwa guro) at sigarilyo (mula Maypajo hanggang Recto), pagpupursigeng makaahon sa kahirapan (tumigil sa pagtuturo at nag-buy and selling noong panahon ng Hapon), makakamit ng tagumpay (patuloy na pagsusulat) habang guro sa elementarya, hayskul at kolehiyo ng Philippine Normal School (mula PNC na PNU na ngayon) sa loob ng maraming taon (1980-1948) ay sapat upang iluklok sa Dambana ng Hambingan upang pamarisan ng mga guro at iba pang mga propesyunal ng pangkasalukuyang panahon.

Hinimok ko ang mga mag-aaral na gawin ngayon sa madaling panahon ang pagaarkayv sa mga personal, historikal o literaryong koleksyong GEM para kay Matute upang di matulad sa mga nagkalat na mga orihinal na kopya ng mga pelikulang Pilipino sa labas ng bansa. Tulad ng 35 mm print ng Genghis Khan ni Manuel Conde ay nasa isang Pinoy na nasa California. Ilan sa mga de-kalibreng pelikula tulad ng Insiang at Bona ni Lino Brocka ay inaarkayv at inaalagan ng tamang-tama o higit pa sa inaasahan ay nasa Pransya, ang Ang Maynila, Bayan ko ay nasa pangangalaga naman ng British Film Institute. Mayroon din sa New York, Singapore, Brussels, Berlin at iba pa na ipinipriserba ng napakahusay upang mapanood pa at mapag-aralan ng marami pang mga henerasyon, lokal at global.

Huwag hayaang mawala unti-unti ang anumang mga artifact, memorabilia o memento, mga isinulat sa kamay ni GEM bagkus planuhin agad-agad kung saan hahanapin, anu-ano ang mga titipunin, paano payayabungin, at makapagbibigay ng akses sa balana ng mga ginintuang impormasyong matatamo sa mga alaala ng kahapong nabuo sa pagpupunyagi ng isang 4-time Palanca awardee para sa kanyang mga maiikling katha: Kuwento ni Mabuti (First Prize, 1950-51); Pagbabalik (Third Prize, 1951-52); Paglalayag … sa Puso ng Isang Bata (First Prize, 1954-55) at Parusa (First Prize, 1960-61).

Nawa’y di matulad sa di mahanap hanggang ngayon na unang-unang kuwentong nagawa ng ating prolifikong manunulat: Ang Taling (1936).

Alamin kung bakit magandang halimbawa ng pagpapahalaga sa mga pelikula ni FPJ, Regal Films, RVQ lalung-lalo na sa koleksyon ng LVN Studio ang ipinamalas ng ABS-CBN Film Archive? Ang ABS CBN, ayon sa SOFIA (Society of Filipino Archivists for Film), ay ang de facto national audio-visual archive ng bansa...

Kinonsulta ng manunulat ang disertasyon ni Montealegre (2004) at ang isang faculty publication ni Del Mundo, Jr., na matatagpuan lamang sa aklatan ng De La Salle University-Manila, http://lib1000.dlsu.edu.ph/search bago magsalita para sa temang Organization of Special Collections sa mga estudyanteng LS at mga opiser ng Kadipan sa Pamantasang Normal ng Pilipinas noong umaga ng Hulyo 25, 2011.