Friday, June 10, 2011

Si Amaya, ang Pamamahala at si Humadapnon

Si Amaya, ang Pamamahala at si Humadapnon
Ni G. Roderick Baturi Ramos


Tawa kami ng tawa ng aking mga binukot na mga anak na sina Heaven at Bituin ng napamangha si Mantal at banggitin sa harapan nila Dian Lamitan at Marikit na gulat na gulat sa di inaasahang marinig mula sa nakakatandang kapatid at katuwang ni Lamitan na tunay nga palang napakaganda ni Amaya, anak ni Datu Bugna kay Dal’lang na isang uripon. Magmula ng matunghayan ng aking mag-iina ang eksenang ito ay walang puknat akong tawaging baba at iloy naman si Julie ang aking asawa ng mga bata.

Hindi naman ikatutuwa ng sinumang laybraryan ang may ugaling Dian Lamitan sa kanyang mga tauhan. Ayon na rin sa isang babaeng hubad ang itaas na bahagi ng katawan tulad nina Ahak at Kayang, si Dian Lamitan, ina nila Marikit at Binayaan ay namamahalang walang lahok ng puso lalo na sa mga alipin at timawa ng banwa ni Datu Bugna. Ito ay masasaksihan ng maraming beses sa epikseryeng ito ng Kapuso: una, sa pag-utos niyang pikpikin gamit ang isang kahoy na putol ni Agang sa bibig si Dal’lang hanggang sa ito’y magdugo ng maulinigang maaaring di uripon bagkus magiging timawa o malaya ang nasa kanyang sinapupunan; pangalawa, ng hagupitin ng pamalo ni Badu si Dal’lang habang nag-aani sa utos na rin ni Dian Lamitan at pangatlo ng itapon sa malayo ang kawawang si Dal’lang pagkatapos makapanganak.

Tatlo mula sa mga maaring pagmumulan ang Hinilawod : Adventures of Humadapnon isang libro ni Jocano at Ang Datu ng mga Sulod : Isang Dulang Pampelikula ay tesis ni Aquino na mayroon sa aklatang DLSU. Ang isa pa ay ang Sulod society : a Study in the Kinship System and Social Organization of a Mountain People of Central ni Jocano rin. Maaaring basahin ang mga ito upang lalong mas malalim na maunawaan at tangkilikin ang sugidanon patungkol kay Amaya, ang binukot na may kakambal na ahas, o ang huling prinsesa, Isiang, na nasa isa sa mga sulod ng Capiz na maaari lamang marating pagkatapos lakbayin ang pitong bundok ng mga Panay-Bukidnon,

Makikilala si Hugan-an, isang susi, upang maidokumento ang sugidanon patungkol kay Buyong Humadapnon noong taong 1955 sa Central Pan-ay. Sa librong Hinilawod ni Jocano, tanyag si Hugan-an bilang tanging babaylan na makakaawit ng kumpleto o dasal ng pakikipagsapalaran ni Humadapnon at iba pang mga bida ng liping Sulod. Hindi biro-biro o simpleng gawain ang pagdodokumentong ginawa ni Jocano sapagkat ito rin ay mapanganib di lamang sa nanaliksik o kay Hugan-an. Mababatid pahapyaw kung bakit kung aalamin kung para saan at anong ibig sabihin ng mga sumusunod: “Suyung-suyung pay, pamlang, kun katuod may dalongdong...” Kinakailangan ding mag-alay ng isang itim na baboy, pitong pulang tataw o tandang at pitong babaing manok upang payapain o matuwa ang mga kaibigang espiritu kung sila ay tinatawag sa gabi man o sa umaga.

Ang isa sa mga inawit ni Hugan-an ay nagsasabing di pa nakakasumpong si Humadapnon ng babaing, Nagmalitong Yawa, kanyang pakakaibigin. Isang babaing tulad niya ay may ginintuang buhok, kapantay niya sa angking kapangyarihan mula pagkapanganak, ranggo, dugo at ubod ang kagandahan. Ngunit di madali para sa datu at sa kanyang kapatid, Dumalapdap, sa kanyang barangay, biday at mga magulang, Burulakaw at Ginbitinan. Hanapin ang librong ito, malilibang at di magsisising basahin: Hinilawod: Adventures of Humadapnon (Tarangban I) ni F. Landa Jocano na may klasipikasyong PL 6189 P36 A5225 2000.