Friday, October 10, 2008

Ikalabing-isang Bahagi

Ang library poverty ay bunga rin ng inobasyon. Ayon kay Luecke (2003), ang inobasyon ay maaring makasira sa kadahilang maraming institusyon ang hindi nagtatagumpay na makasabay sa mga inobasyon at nawawala na lamang unti-unti na siya namang pinatotohanan ng Harvard Business Essentials (2003).

Isang halimbawa ay ang pagkakaroon ng mga elektronikong dyornal sa mga silid-aklatan. Kakailanganin ng isang pang-akademikong silid-aklatan ang higit sa sampung libong dolyar o limang daang libong piso para magkaroon ng elektronikong dyornal sa pamagitan ng isang pagtutulungan, alyansa o consortium ng limang pampublikong paaralan. Maliban dito ay ang pagbabayad ng karagdagang limang porsyento o 480 na dolyares o mahigit na dalawampung libong piso kada taon upang magkamit ng karapatang makapagbukas, makapag-eksplor at makagamit ng pangkasalukuyang bilang na 175 na elektronikong dyornal na gawang banyaga.

Pagtuunan ng pansin: pitong porsiyento lamang sa mga elektronikong dyornal na nakalista ang may kaugnayan sa Health Care Management, walo para sa Education Management at 85 ay Business, Management at Information Technology. Ang mga naunang nabanggit na porsiyento ay napakaliit sa inaasahang benepisyo na matatangap o siyang tutumbas sa halagang igugugol sa mga elektronikong dyornal ng mga paaralang ang konsentrasyon ay edukasyon at kalusugan.

Halos lahat ay walang sapat na badyet para sa sa mga elektronikong database
at ito ay nabanggit minsan ni Hickok (2007) mula sa daan-daang panayam na kanyang nagawa . Kahit na nga ang isang koleksyon na nagkakahalaga ng 4,050 na dolyares o 186,300 na libong piso para sa labing-apat na elektronikong dyornal pangkalusugan at medisina ay di mabibili para sa aming kliyente dahil sa mayroon lamang kaming 67 posiyento nito na nakalaan para sa e-journals at di pa kasama dito ang nabanggit na limang porsiyentong dagdag bawat taon na 202.50 na dolyares o 9, 315 na libong piso.

Mahigit labingtatlong libo o 289 na dolyares bawat dyornal na lubhang napakamahal kumpara sa kopyang papel na hinahahanap ng 9 sa sampung mananaliksik sa silid-aklatan tubing Sabado.

Tinanong ko minsan ang isang BSE na mag-aaral na naghihiram ng libro patungkol sa saligang batas. Nakagamit ka na ba ng e-journal? "Di pa po! Ano po yon? First year pa lang po ako!" tugon niya.

Thursday, October 2, 2008

Ikasampung Bahagi ng Isang Serye

Pinakaiibig ng isang laybraryan ang copyright law ng bansa. Upang maiwasan ang anumang uri ng paglabag sa batas, ang Republic Act 8293 ay isang sandigan upang maging palagay at walang agam-agam ang laybraryan sa gitna ng pagpapasiya na may kaugnayan sa patas na karapatan ng manunulat at ng mambabasa.

Nakatutuwang pansinin ang bagong video na gawa ng DLSU para sa kanilang library orientation na may kaakibat na paalala patungkol sa copyright law. Ito ay mapapanood din sa tamang panahon kung bubuksan ang http://www.dlsu.edu.ph/library/ at nawa’y tularan ng lahat ng mga nakasaksi at maaring tanggapin bilang panimulang pagpapahayag at pakikiisa laban sa walang habas na duplikasyon o replikasyon ng mga babasahin (elektroniko man o hindi) na ayon sa ilan ay nagyayari dahil na rin sa ito ay ginagawa ng karamihan, pagsasamantala dahil walang nakakakita, at minsan lang naman bilang rason ng iba .

Maliban sa pagbebenta ng manlilikha o ng isang tagalimbag, ang pagpapaalam, pagsusupling o pagpapahiram sa publiko ng isang orihinal na kopya ay isang paraan na rin upang tangkilikin ang pagkabuo ng isang akda. Ang mga laybraryan taglay ang yaman ng silid-aklatan, gamit ang kanilang sining at disiplina, ay may laang proteksyon sa mga orihinal na akdang intelektwal sa artistikong larangan o pampanitikan gawa man ito ng gobyerno, isang indibiduwal, may kasugpong sa pagsulat o kolektiv at iba pa.

Mainam na basahin muli ang kabuoan ng Intellectual Property Code of the Philippines o Republic Act No. 8293 na maaring matagpuan sa http://www.photo.net.ph/ipcode/ at bigyang pansin ang Section 188 patungkol sa Reprographic Reproduction by Libraries.

Mula sa mga pamantayang nakalagay sa kanilang web sites, apat sa sampung unibersidad sa Pilipinas ang hindi pumapayag sa pagseroks ng mga di-nalimbag tulad ng tesis at disertasyon (SPUQC;ISU;ADNU;TUP) habang dalawa dito ay pinahihintulutan ang kanilang mambabasa na makapagseroks ng abstract, review of literature, at bibliography o ng labinlimang pahina lamang mula dito para sa mga mananaliksik mula sa graduate program (UPLB;UST). Apat sa kanila ay nagbibigay ng oras upang makapag-photocopy ang kanilang kliyente sa loob ng labinlimang minuto (BulSU); tatlumpung minuto (TUP;ISU); at isang oras (CDU). Limitado rin kung djornal naman. Dalawang artikulo lamang sa bawat isyu (IRRI) at sampung porsiyento naman ng libro ang pwedeng iseroks (SPUQC). Isa sa sampu ay kawani ng silid-aklatan ang nag-seseroks at hindi ang kostomer o ang sinuman.